Mark 5:1-20

Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu

(Mat. 8:28-34; Luc. 8:26-39)

1Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.
Geraseno: Sa ibang tekstong Griego, Gergeseno o, Gadareno.
2Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, 3at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. 4Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. 5Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.

6Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7 8Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” 9Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

11Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

14Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis,
Decapolis: o, Sampung Bayan.
ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.

Copyright information for TglASD